MANILA, Philippines - Nalansag ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang notoryus na sindikato ng fake gold bar syndicate matapos masakote ang apat nitong miyembro sa entrapment operation sa Pasong Tamo, Makati City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasakoteng suspect na sina Randy Canete, 30; Samuel Bolema, 44 at Oscar Ramirez, 50 at Cristeta Actub, 68.
Ayon sa ulat ang mga suspect ay naaresto sa entrapment operation sa isang hotel sa Pasong Tamo, Makati City bandang alas-5:30 ng hapon matapos ireklamo ng isang negosyanteng babae na inalok ng mga ito ng gold bar na nagkakahalaga ng P10 milyon na ibinebenta ng mga ito ng mas mababa sa halagang 9 na milyong piso.
Ayon sa imbestigasyon, ang nasabing negosyante ay nilapitan ng mga suspect at inalok ng ibinebenta ng mga itong gold bar sa isang mall sa Cubao, Quezon City noong Hulyo 16 kung saan nagkasundo ang mga itong magkita sa isang hotel sa Makati City kamakalawa.
Gayunman, isang kaibigan ng negosyante ang tumawag dito at sinabing naloko rin siya ng nasabing grupo na nagbebenta ng pekeng gold bars.
Nang matanggap ang impormasyon, ay agad nagsagawa ng entrapment operations na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.
Lumilitaw sa imbestigasyon na mayayaman at kilalang negosyante na bumibili at nagbebenta ng mga alahas ang target biktimahin ng mga suspect.
Nabatid pa na tunay na gold bar ang ipinakikita ng mga suspect habang sinusuri pero mabilis nila itong pinapalitan ng peke.