33 kahong kontrabando nasabat
MANILA, Philippines - Kinumpiska ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga coral at iba’t-ibang klase ng isdang pang aquarium na nakaimbak sa bodega sa Ninoy Aquino International Airport matapos itong ilagay sa 33 kahon at ibibiyahe papuntang Hongkong.
Napag-alaman may 1,500 pirasong iba’t-ibang uri ng isdang pang aquarium at mga coral ang laman ng kahon nang masilip ito ng mga tauhan ng BFAR sa Miascor cargo warehouse.
Hindi muna ibinunyag ng mga awtoridad ang pangalan ng may-ari ng mga epektos habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa.
Ayon kay BFAR Director Asis Perez, naharang ng BFAR Quarantine Services sa cargo terminal ng Miascor ang kontrabando na naglalaman ng 1,500 buhay na isdang pang aquarium na nakasilid sa plastic bag at 149 brain corals.
Napag-alamang nakatakda sanang dalhin sa Hong Kong ang kontrabando habang isinasalansan ang naturang kargamento sa departure area ng NAIA.
Hindi pa nabatid kung sino ang tunay na may-ari ng kontrabando habang patuloy ang imbestigayon ng BoC.
- Latest
- Trending