MANILA, Philippines - Inaasahang magkakaroon ng panibagong pagtaas sa presyo ng petrolyo sa bansa anumang araw ngayong linggo makaraang ihayag ito ng Department of Energy (DOE).
Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Zenaida Monsada na muling gumalaw ang presyo ng langis sa internasyunal na merkado na nangangahulugan ng bagong oil price hike sa bansa.
Sa kanilang komputasyon, maaring nasa P.60 sentimos kada litro ang itataas ng regular na gasolina habang P.30 sentimos naman sa kada litro ng diesel.
Dahil dito, inaasahan na mauudlot na ng tuluyan ang inihaing petisyon ng consumers group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagbabawas sa pasahe sa taksi at iba pang pampublikong sasakyan.
Magugunita na noong nakalipas na linggo ay nagpataw ng dagdag presyo ang mga kompanya ng langis sa produktong petrolyo matapos ang 12 sunud-sunod na price rollback na kanilang ipinatupad makaraang sumadsad ang halaga ng langis sa international na merkado.
Umaabot sa P1.80 kada litro ng regular na gasolina, P1.55 sa premium at unleaded na gasoline at P1.40 sa diesel at kerosene ang itinaas.
Sinabi ng Independent Petroleum Companies Association na malaki ang epekto ng pagtataas sa presyo ng langis sa internasyunal na merkado ang pagpapatupad ng oil import embargo sa Iran dahil sa patuloy nitong programa sa nuclear na sandata at ang pagrekober ng ekonomiya ng Europa.