MANILA, Philippines - Napaslang ang 43-anyos na pulis-Maynila na sinasabing lumabas ng kanilang bahay para bumili ng gamot ng kanyang misis matapos itong pagbabarilin ng grupo ng kalalakihang lulan ng sports utility vehicle (SUV) sa isang bahagi ng Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang napatay na si PO1 Manuel Garcia ng Manila Police District-Station 1 sa Smokey Mountain Police Community Precinct at nakatira sa #1530 Bo. Sta. Maria, Paco, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rodel Benitez ng MPD-Homicide Section, naganap ang krimen dakong alas-4:05 ng madaling-araw sa bisinidad ng Pedro Gil St. sa nasabing lugar.
Napag-alamang kauuwi pa lamang ng biktima mula sa night shift duty kung saan muling lumabas para bumili ng gamot ng kanyang misis nang makasalubong si kamatayan.
Matatandaan na noong Hunyo 2012 lamang ay brutal na pinatay ng sindikato ng iligal na droga si PO3 Teofilo Panlilio ng MPD-District Headquarters Support Unit bago itinapon sa dagat kasama ng sinasabing asset nitong 40-anyos na babae sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.
Kamakalawa ng umaga naman ay pinagbabaril hanggang sa mapatay si PO3 Jesus Lapuz ng Manila Traffic Bureau ng riding-in-tandem matapos sitahin ang motorista sa traffic violation sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa Pasay City.