Pekeng chief engineer ng barko, dinakip ng marino
Manila, Philippines - Napikon na ang isang seaman sa puro pangako na makasampa na siya ng barko kaya sa huling pagkakataon na hindi na naman natupad ang pangako sa kanya ng isang nagpakilalang chief engineer na umaktong recruiter at nakatangay ng halagang mahigit P200-libo, mismong siya na ang umaresto rito sa Sta. Mesa, Manila kahapon ng umaga.
Kasong estafa at illegal recruitment ang kinakaharap na reklamo sa MPD-General Assignment Section ng suspect na kinilalang si Christian Belle Nadlang, tubong-Pangasinan at residente ng Block 1, Lot 21, Cash Spring, Caloocan City. Matapos mahuli, nagsuguran din sa piitan ang may 11 pang katao na kanya ring biniktima.
Sa report ni PO3 Gilbert Isole, dakong alas-9:30 ng umaga nang bitbitin ang suspect ng isa niyang biktima na si Jonathan Mamauag, 44, seaman at tubong-Cagayan Province sa loob ng Mini Stop convenience store sa kanto ng Jhocson St. at España Blvd., Sta. Mesa, Maynila.
Ayon sa salaysay ni Mamauag, noong lamang nakaraang buwan, nakilala niya ang suspect na nagpakilalang chief engineer sa barko at naengganyo siya para mag-apply sa inaalok nito na nangangailangan ang paparating nilang barko ng mga marino. At dahil naniwala naman si Mamauag ay nagbigay ito ng P10,000 cash na ‘padulas’ umano para matiyak na siya ay makapapasa at pangako na makaaalis din kaagad.
Kahapon nang muli siyang makipagkita sa tawag ng suspect na humihingi umano muli ng pera kaya pinagdudadahan niya at hiningan ng mga importanteng dokumeto kung ito ay totoong chief engineer ng barko at kung bakit wala ring maipakitang papeles sa kanyang pangako na mapaaalis na ang biktima. Naging dahilan ito upang magtangkang tumakas ng suspect subalit mabilis na pinigilan siya ng biktima at pinsan nito at binitbit sa presinto. Lumutang na rin ang may 11 seamen na nakunan ng pera ng suspect sa MPD-GAS na may kabuuang P200,000 cash.
- Latest
- Trending