2-month old baby, sugatan sa sunog
Manila, Philippines - Isang dalawang buwang gulang na sanggol ang nasugatan matapos na mabagsakan ng nagbabagang bagay sa isang sunog na naganap sa kanilang tahanan sa Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.
Nagtamo ng second degree burn ang biktimang si Baby Filsaint Collins Magalawis, ng Block 3, #2 Saluyot St., kanto ng Martinez St., Welfareville Compound, Brgy. Addition, Mandaluyong City.
Si Baby Filsaint ay patuloy na ginagamot sa Mandaluyong City Medical Center sanhi ng tinamong sugat sa ulo at mga paso sa katawan.
Batay sa ulat ng Mandaluyong City Fire Division, nagsimula ang sunog sa bahay ng biktima dakong ala-1:45 ng madaling-araw.
Nabatid na nasa kasarapan umano ng tulog ang pamilya Magalawis nang sumiklab ang sunog na sinasabing nagsimula sa isang napabayaang kandila dahil wala umanong kuryente sa naturang lugar.
Ayon sa mga imbestigador, nakatulugan ng mag-anak ang kanilang kandila at nang maupos ito ay madaling nilamon ng apoy ang kanilang tahanan na gawa lamang sa mga light materials.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na nagtagal ng halos isang oras bago tuluyang naapula dakong alas-2:45 ng madaling-araw.
May 10 kabahayan pa ang nadamay sa sunog, sanhi upang mawalan ng tahanan ang may 18 pamilya. Tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga ng mga kagamitan na naabo sa sunog.
- Latest
- Trending