Elem. pupil sinaksak ng high school student
MANILA, Philippines - Isang 13-anyos na elementary student ang sugatan matapos na makursunadahang saksakin ng isa sa tatlong high school student sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ng Police Station 5 ng Quezon City Police, nakilala ang biktima na si Rinner Leonardo, estudyante ng North Fairview Elementary School, at residente ng Block 2, Lot 11, Labayani St., Brgy. North Fairview sa lungsod.
Inaalam pa ng pulisya ang mga pangalan ng mga suspect na pawang mga high school student na nanakit sa biktima.
Sa ulat ni PO3 Jesus Mansibang, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Labayani St., malapit sa waiting shed ng North Fairview ganap na alas-12 ng tanghali. Nang oras na mangyari ang insidente ay may pasok sana sa klase ang biktima at mga suspect pero nag-cutting class umano ang mga ito para mamingwit ng isda sa ilog sa Kambal Tulay.
Sinasabing kasama ng biktima ang apat pang kaklase sa pamimingwit ng isda. Ayon sa kasamahan ng biktima, pagsapit ng grupo nila sa may Labayani St. sa nasabing lugar bigla na lamang umano silang sinalubong ng isa sa mga suspect at sinuntok ang biktima sa ulo, habang ang isa naman sa mga ito ay nagbunot ng patalim at sinaksak ang biktima sa sikmura saka nagsipagtakas.
Agad namang itinakbo sa East Avenue Medical Center ang biktima para malapatan ng lunas.
- Latest
- Trending