Call center agent tumalon sa taxi, dahil sa driver na holdaper

MANILA, Philippines - Nakaligtas sa posib­leng kamatayan ang isang 22-anyos­ na babaeng call center agent makaraang tumalon sa tumatakbong taxi upang makatakas sa driver na nagtangkang mangholdap sa kanya, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Nasa ligtas na kalagayan na sa San Juan de Dios Hospital makaraang magtamo ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Rose Anne Cara, ng Dominga St., Vito Cruz, Malate, Manila.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nakatakas na suspek na nagmamaneho ng taxi na may plakang TGX-273. Ina­alam na ngayon ng Pasay City Police sa Land Transportation Office (LTO) kung kanino nakarehistro ang na­turang taxi upang matukoy ang driver nito.

Sa inisyal na ulat ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa may north-bound lane ng Roxas Boulevard malapit sa Buendia. Sinabi ni Cara na galing siya sa condominium unit ng kaibigang Koreana sa Antel Seaview Tower at pauwi na sakay ng naturang taxi nang maglabas ng patalim ang driver pagsapit ng naturang lugar.

Hindi naman nawalan ng loob ang dalaga nang ma­gawa nitong makipag-agawan sa patalim sa suspek at mabuksan ang pinto saka nagdesisyon na tumalon sa kabila na tumatakbo nang mabilis ang sasakyan.

Agad namang sinaklolohan ng mga nagmagandang-loob na traffic enforcer ang biktima at isinugod sa pa­gamutan.

Show comments