P5.7-M halaga ng shabu, winasak ng PDEA
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P5.7 milyong halaga ng controlled precursors at mga kemikal gayundin ang mga laboratory equipment na ginagamit sa paggawa ng shabu ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang drug facilities nito sa Valenzuela City kahapon.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr., ang naturang mga kemikal at kagamitan ay nasamsam ng awtoridad sa mga itinayong laboratoryo ng shabu sa may Acacia, Ayala-Alabang, Muntinlupa at Bagumbayan, Taguig na nilusob noong Enero 6, 2012 at Marso 26, 2010.
Sinabi ng opisyal, may kabuuang 2,873 litro ng liquid chemicals na kinabibilangan ng toluene, acetone at hydrochloric acid at 1,213 kilograms ng solid chemicals na kinabibilangan ng iodine, carbon, sodium chloride, sodium hydroxide, at red phosphorous ang sinira sa pamamagitan ng chemical treatment method.
Sa pagwasak sa mga kemikal, tiniyak ni Gutierrez sa publiko na walang posibilidad na ang original na komposisyon nito ay hindi na marerekober.
Isinagawa ang pagsira sa mga kemikal sa may Green Planet Management, Incorporated (GPMI) sa Punturin, Valenzuela, ang treatment facility na accredited ng DENR at ikalawa sa pasilidad na pinagsusunugan ng mga nasabing kemikal. Ang una ay ang lugar sa Integrated Waste Management Incorporated (IWMI) sa Trece Martires, Cavite noong April 12, 2012, kung saan mahigit sa P800 million halaga ng mapanganib na droga ang sinunog.
Taong 2011, aabot sa P590 million halaga ng iligal na droga, kemikal at laboratory equipment ang sinira ng PDEA, upang patunayan sa publiko na ang nasasamsam nilang iligal na droga ay hindi inire-recycle. (Ricky T. Tulipat at Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending