MANILA, Philippines - Tatlong hinihinalang mga holdaper na umano’y mambibiktima ng kliyente ng banko ang nasawi makaraang makipag-palitan ng putok sa mga awtoridad sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Ayon kay Chief Superintendent Mario dela Vega, director ng Quezon City Police District, ang mga nasawing suspect ay naghihintay sa labas ng isang sangay ng Metrobank sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at pinaniniwalaang may planong mambiktima ng taong magwi-withdraw ng pera.
“It was also possible that the suspects were targeting to rob the bank itself,” sabi ni Dela Vega.
Nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga operatiba ng District Police Intelligence Operating Unit ng QCPD sa may nasabing lugar matapos ang report na may nagaganap na robbery dito ganap na alas-2 ng hapon.
Habang nasa lugar, naispatan ng mga awtoridad ang tatlong kalalakihang pawang mga nakasuot ng bullcaps at may kahina-hinalang kilos sa labas ng banko. Nang siyasatin, bigla na lamang umanong nagpaputok ng kanilang baril ang mga suspect na nagresulta sa engkwentro.
Dalawa sa mga suspect ay armado ng kalibre 45 baril habang ang pangatlo ay may bitbit ng kalibre 38 revolver.
Isa sa mga suspect ang nagawang makatawid sa kalsada kung saan naroon ang kanilang get-away na motorsiklo. Pero sa kainitan ng palitan ng putok ay nagawang mapigilan ito at mapatay kasama ng kanyang dalawang kasamahan.
Sinasabing ang modus-operandi ng mga suspect ay abangan ang mga kostumer na magwi-withdraw ng malaking pera, saka hoholdapin. Sa kasalukuyan, ayon pa kay Dela Vega, wala pang pagkakakilanlan ang mga suspect habang patuloy ang pagsisiyasat na ginagawa sa nasabing insidente.