Ama nagbaril matapos martilyuhin ang mag-ina
MANILA, Philippines - Isang 38-anyos na ama ang nagbaril sa sarili matapos na martilyuhin at mapatay ang kanyang mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Pinaniniwalaang may ilang oras nang patay sina Nelson Cruzat, misis nitong si Cecil, 30; at anak na si Christian Mark, 8, ng Almeda corner San Nicolas St., Tondo, Maynila.
Sa report ni Det. Paul Dennis Javier ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-11:30 ng umaga nang matagpuang patay ang pamilya Cruzat sa loob ng kanilang bahay.
Ayon kay Aling Flora, ina ni Cecil, dakong alas-6:30 nang umaga nang magtungo siya sa bahay ng mag-asawa upang gisingin ang kanyang apo para maghanda sa pagpasok nito sa eskwelahan.
Nang walang sumasagot ay inisip ni Aling Flora na tulog pa ang mag-anak kaya bumalik na lamang ito sa kanilang bahay na ilang metro lang ang layo.
Makaraan ang ilang minuto ay muling bumalik si Aling Flora sa bahay ng mag-asawa upang alamin kung nakapasok na ang kanyang apo subalit pagkatok nito ay wala pa ring sumasagot kaya naghinala ito. Dahil dito, tinawag niya ang kaibigan ng kanyang manugang at nagpatulong na buksan ang pintuan ng bahay ng mag-asawa gamit ang duplikadong susi kung saan tumambad sa kanila ang pamilya na duguan at patay na.
Nakitang magkatabing patay ang mag-ina habang si Nelson ay natagpuang nasa sulok at wala na ring buhay.
Nakuha sa tabi ng bata ang isang duguang martilyo na hinihinalang ginamit sa pagpatay at isang 9mm na hinihinalang ginamit sa pagbaril sa sarili matapos nitong martilyuhin ang kanyang mag-ina.
Sinasabing pagkakautang ang hinihinalang dahilan ng pagpapakamatay ni Nelson na isang alahero sa Aranque market at pagpatay sa kanyang mag-ina.
Gayunman patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na dahilan.
- Latest
- Trending