MANILA, Philippines - Hindi miyembro ng Philippine Air Force (PAF) ang lalaking nagpakilalang Staff Sergeant na nasakote ng mga awtoridad matapos ireklamo ng panunutok ng baril sa aktres na si Amalia Fuentes sa Quezon City noong Linggo.
Ito ang nilinaw kahapon ni PAF Spokesman Col. Miguel Ernesto Okol Jr. hinggil sa kaso ng nagpanggap na umano’y may ranggong Staff Sergeant ng Military Intelligence ng PAF na si Sesinando Tee Jr., 39.
“He is not connected in anyway sa PAF,” ani Okol na sinabing dating reservist o isa lamang volunteer si Tee na nakatalaga sa 1st Air Reserve Wing na nagsasagawa ng community project at dahilan hindi na ito aktibo ay isa na itong sibilyan.
Si Tee ay inireklamo ni Fuentes ng panunutok ng kanyang cal. 45 caliber Norinco na nangyari sa isang bahay ng aktres sa New Rolling Hills Subdivision, Brgy. Damayang Lagi sa lungsod Quezon.
Nabatid na si Tee ay kapatid ni Rosemarie Tee-Licup na hindi umano nagbayad ng upa sa bahay na pinarerentahan ni Fuentes .
Una nang nasangkot si Rosemarie at mister nito ng pananaksak ng payong kamakailan sa aktres matapos na mauwi sa komprontasyon ang umano’y pagtanggi ng mag-asawa na bayaran ang mahabang listahan ng kanilang pagkakautang sa aktres na na-ospital sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City bunga ng insidente.