Bus ban na sa flyover at tunnel sa EDSA
MANILA, Philippines - Dahil sa kabi-kabilang aksidenteng kinasasangkutan, ipinagbawal na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagdaan sa lahat ng flyovers at underground tunnels ng mga pampasaherong bus sa kahabaan ng EDSA.
Kasabay ito ng naganap na aksidente sangkot ang isang bus ng Don Mariano Bus transit sa Ortigas flyover at aksidente sa EDSA-Shaw tunnel.
Damay din sa prohibisyon ang mga trak, depende sa bigat ng mga ito. Dahil sa bagong prohibisyon, lumikha ito ng matinding trapiko sa regular lanes ng EDSA dahil sa pakikisiksik na ng mga provincial bus na dating pinapayagang dumaan sa tunnels.
Reklamo ng National Council for Commuters Protection (NCCP), dapat umanong isinailalim muna ng MMDA ang bagong panuntunan sa “pilot testing” upang mabatid kung epektibo nga ito sa pagbabawas ng aksidente sa lansangan.
Hiningan naman ng komento si MMDA Chairman Francis Tolentino at maging ang tagapagsalita na si Atty. Alu Dorotan ngunit kapwa hindi sumasagot ang mga ito sa tawag at sa text messages.
Ayon naman kay San Juan Rep. JV Ejercito, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na palpak ang desisyon ng MMDA dahil mistulang pinarusahan nito ang lahat ng motorista gayung isang bus lang ang nasangkot sa aksidente.
Sa halip umano na parusahan ang mga motorista, dapat ay isailalim na lang sa drug test ang lahat ng driver ng mga bus upang hindi malagay sa balag ng alanganin ang buhay ng kanilang mga pasahero.
Ikinagalit naman ni Agham party list Rep. Angelo Palmones ang umano’y ginagawang eksperimento ni MMDA chairman Francis Tolentino dahil magdudulot umano ito ng matinding epekto sa mga motorista.
Giit ni Palmones, dapat na gawing weekend ang eksperimento ni Tolentino at hindi araw ng Lunes kung kailan umano maraming mga manggagawa at empleyado ang lumuluwas ng Metro Manila para sa kanilang mga trabaho.
Ang eksperimento ni Tolentino ay upang masulusyunan umano ang sunud-sunod na aksidente sa lansangan kabilang na ang pagbangga sa railings ng ortigas flyover ng isang bus ng Don Mariano transit.
- Latest
- Trending