Vendor itinumba ng kagawad sa loob ng bahay
Manila, Philippines - Patay ang isang 32-anyos na vendor nang pasukin sa bahay ng isang barangay kagawad kasama ang isa pa at barilin sa ulo, kaugnay sa pagwawala umano ng una matapos may makaalitan sa isang inuman sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni SPO2 Virgo Villareal ng MPD-Homicide Section, ang biktima ay si Ronnie de Guzman, 32, vendor at residente ng BS-36 C-2 Capulong st., Tondo, Maynila.
Nakapiit na sa himpilan ng pulisya ang mga suspect na sina Alberto Valenzona, 46, negosyante at kagawad ng Brgy. 108, Zone 2, District 1 Imelda St., Herbosa, Tondo at ang kasama nilang si Jessie Roncal, 49.
Sa imbestigasyon naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa loob mismo ng bahay ng biktima kung saan ito kagyat na binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.
Ayon sa misis ng biktima na si Maritess de Guzman, 32, ang dalawang suspect ay umakyat umano sa kanilang bahay na matatagpuan sa ika-3 palapag para umano arestuhin ang kanyang mister subalit nagulat na lang siya nang makarinig ng malakas na putok ng baril.
“Pinigilan ko po si kagawad na umakyat kasi natutulog na ang mister ko sa bubong kasi nakainom, ayaw niya akong paakyatin at sila ng kasama niya ang umakyat. Kung aarestuhin nila okey na sa akin kasi nga para makalma dahil lasing pero binaril ni kagawad. Takot ako na si kagawad ang rumesponde kasi may baril siya at madalas na siyang nagpapaputok sa lugar namin. ’Yung dalawang pulis na taga-Station 1 nga ho hindi naman umakyat, pero siya pursigido ’yun pala babarilin niya,” hinagpis ng maybahay ng biktima.
Ayon naman sa mga suspect, isang self defense lamang umano ang pangyayari dahil sa responde lamang umano sa kaguluhan kaya pinuntahan ang erya.
Sagot naman ng maybahay ng biktima, ang suspect na si Roncal pa umano ang nagdala ng patalim upang ikarga sa kanyang asawa at palabasing nanlaban ito.
Kasong murder ang isasampa niya laban sa mga suspect.
- Latest
- Trending