Estudyante nagbigti
Manila, Philippines - Isang 20-anyos na estudyante ang nasawi matapos na magbigti sa loob ng inuupahan nitong unit sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Gian Carlo Evangelio, 20, estudyante ng System Technology Institute (STI).
Si Evangelio ay natagpuan na walang buhay sa loob ng kanyang unit sa Room 407 ng Balbros Apartelle sa panulukan ng Columbia at Cambridge Sts. sa Brgy. E. Rodriguez, Cubao, ganap na alas-8:30 ng umaga. Ginamit ni Evangelio sa pagpapatiwakal ang puting extension cord na ipinalupot sa kanyang leeg saka itinali sa double-deck na kama sa kanyang kwarto kung saan ka-roommate niya ang isang Jessie Mayo, 42.
Sa pahayag ni Mayo sa awtoridad, nasorpresa na lamang siya nang malamang nagpakamatay ang biktima dahil hindi naman umano niya ito nakitaan ng anumang problema.
Sinasabing nitong Huwebes ay natulog si Mayo sa kanyang kaibigan sa Makati City. Pero bago pumunta sa trabaho kahapon ng umaga ay tinawagan muna niya si Evangelio para alamin kung naroon ito. Matapos ang ilang ulit na tawag ay hindi sumasagot ang biktima kung kaya nagpasya si Mayo na humingi ng tulong sa kapitbahay na si Emma Cabahug.
Ilang ulit na kinatok ni Cabahug ang kuwarto ng biktima, nang walang sumasagot ay humingi na ito ng tulong sa staff ng apartelle para ito mabuksan. Nang mabuksan ay saka tumambad sa kanya ang nakabiting katawan ng biktima. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending














