P20-M pirated DVDs, food supplements nasabat

MANILA, Philippines - Aabot sa P20 milyong halaga ng mga piniratang digital video discs (DVDs) at mga pekeng Chinese food supplements ang nasabat ng mga tauhan ng Southern Police District at Optical Media Board (OMB) sa Parañaque City.

Nadakip sa naturang operasyon ang Chinese national na si Mouzhi Zhou, 26, ng Binondo, Maynila; driver nitong si Eduardo Gargar, 58, at mga helper na sina Rommel Rodero, 26; Jayson Gato, 20 at John Curimao, 20, pawang mga stay-in sa Warehouse 11 Roligon Compound, Brgy. Tambo, Parañaque City.

Ayon kay OMB Chairman Ronnie Ricketts, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa mga idi-deliver na piniratang DVD ng isang sindikato sa mga vendors sa Baclaran kaya agad silang nakipagkoordinasyon sa District Special Operation Unit ng SPD.

Dakong alas-11:30 ng gabi nang harangin ng pulisya at mga tauhan ng OMB ang isang Isuzu delivery van (RHN-254) na minamaneho ni Gargar sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Tambo, Parañaque. Dito nakita sa loob ang milyun-milyong piniratang DVDs at kahon-kahong mga pekeng Chinese supplements.

Ayon kay Ricketts, isa ito sa pinakamalaking shipment na nasabat nila ngayong taon. Ang kalidad umano ng mga DVD ay nanggaling pa sa China at hindi gawa sa Pilipinas.

Show comments