MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang makaraang pagbabarilin ng riding in tandem suspect matapos na manlaban habang kinukuha ang kanyang dalang bag sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, nakilala ang biktima sa pangalang Lorna Barlan, nasa pagitan ng edad na 50-57, sampaguita vendor at walang tiyak na tirahan.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo matapos ang pamamaril.
Ayon kay SPO1 Greg Maramag, nangyari ang insidente sa may sidewalk malapit sa Light Rail Station harap ng St. Joseph Church, Aurora Blvd., Brgy. Bagumbong, ganap na alas 5:20 ng hapon.
Sinasabing naghihintay ng masasakyan ang biktima patungong Quezon Avenue nang lapitan ito ng isa sa mga suspect, at biglang agawin ang bitbit niyang bag.
Nang manlaban ang biktima ay bigla itong pinaputukan sa ulo ng suspect. Nang bumuwal sa lapag ang biktima at mabatid na patay na ito ay saka umalis ang suspect patungo sa kanyang kasamahang naka-motorsiklo at sumakay, saka nagsitakas patungong Cubao.
Sa pagsisiyasat ng awtoridad, narekober sa lugar ang isang basyo ng kalibre 45 baril na ginamit sa pamamaslang sa biktima.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad sa naturang insidente.