MANILA, Philippines - Isa na namang bagitong pulis ang nahaharap ngayon sa reklamong panghoholdap makaraang akusahan ng anim na lalaki na tumangay ng kanilang pera at cellular phones nang damputin sila habang naglalaro ng bilyar sa Caloocan City.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa nagre-report sa Pangarap Police Detachment sa Caloocan City si PO1 Jake Zacarias matapos ireklamo ng mga biktimang sina Erwin Evangelista, Nelson Feriol, Celson Mahinay, Christopher de Guzman, Roderick Macay at Noli Española, pawang residente ng Brgy. 186, Tala, sa naturang lungsod.
Sa ulat na inilabas lamang kahapon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw nitong Hunyo 29. Nabatid na nagbibilyar ang mga biktima sa may St. Joseph Avenue sa naturang barangay nang dumating umano si Zacarias at isa pang lalaki at nagpakilalang mga pulis.
Dinampot ng dalawa ang anim sa hindi maipaliwanag na paglabag umano sa batas. Sa labas ng bilyaran, pilit na kinuha umano ng dalawa ang pera nila na aabot sa P4,300 at mga cellular phones saka umalis.
Nahaharap na ngayon sa kasong robbery ang mga suspect kung saan nanawagan si P/Insp. Allan Apa, hepe ng Pangarap detachment, kay Zacarias na kusang-loob na sumuko upang hindi na lumaki pa ang kaso.