14-anyos sinaksak ng kapwa estudyante sa loob ng iskul

MANILA, Philippines - Nakaratay ngayon sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang isang 1st year high school student matapos saksakin ng kapwa estudyante sa loob ng eskwelahan sa Ermita, Maynila, iniulat kahapon.

Sa panayam sa biktimang Gladpoal A. Dulay, 14, residente ng South Super Highway, Malate, Maynila na naka-confine sa Room 309 ng Ospital ng Maynila, napagbalingan lamang siyang saksakin ng suspect na itinago sa pangalang “Boy”, 3rd year High School, dahil kasama niya ang mga nakaaway ng grupo ng suspect. Dakong alas-12:00 ng hapon nang maganap ang insidente habang nagpapahinga malapit sa canteen ang biktima nang sugurin ng saksak ng suspect. Nadakip ang suspect na ngayon ay nasa kus­todya ng Manila-Department of Social Welfare.

Ipinagtataka naman ng ama ng biktima na si Cornelio Dulay, 42, kung bakit nagpasiya umano ang school principal na patalsikin sa eskwelahan, maging­ ang kanyang anak gayung ang nagpabaya ay ang guwardiya ng paaralan dahil naipasok ng isang estudyante ang patalim na ginamit sa pananaksak.   

Show comments