13-anyos saksi sa krimen, minartilyo sa ulo
MANILA, Philippines - Wasak ang bungo at halos lumitaw na ang utak at ngayon ay comatose, ang isang 13-anyos na batang babae nang martilyuhin sa ulo ng kapwa tenant matapos aksidenteng masaksihan nito ang tangkang pagpatay ng suspect sa isa pang matanda na kanilang kapitbahay sa Ermita, Maynila, kamakailan.
Kinilala ni Dr. Evangeline Morales, director ng Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktima na si Alexandra Mendoza, grade 5 pupil sa Aurora Quezon Elementary School at nanunuluyan sa ikaapat na palapag ng abandonang gusali sa L. Guerrero St., Ermita.
Personal na iniutos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang masusing pagsisiyasat sa insidente at ang pagtugis sa suspect nang makaharap niya ang kaawa-awang kalagayan ng biktima sa Room 306 ward ng OSMA.
Sa salaysay ng ina ng biktima na si Cristina Mendoza, 33, simula noong madaling-araw ng Miyerkules na doon naganap ang insidente ay hindi na umano gumising ang biktima, bagama’t may pagkakataon na bahagya itong gumagalaw habang naka-dextrose at oxygen.
Ayon sa ginang, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente na noon ay nakatoka si Alexandra sa pag-igib ng tubig. Dito umano nasaksihan ng kanyang anak na minamartilyo sa ulo ang isa nilang kapitbahay na matandang lalaki na si Mang Pancho, nasa 60-65-anyos ng suspect na kinilala lamang sa alyas na Boloy at Gilbert na kanila ring kapitbahay sa abandonang gusali.
Si Mang Pancho ay kasalukuyan pa ring nasa malubhang kalagayan sa PGH.
Napansin umano ng suspect na nakita ni Alexandra ang tangkang pagpaslang kung kaya ito naman ang hinabol ng salarin at nang abutan ay siya naman ang minartilyo sa ulo. Matapos ito ay mabilis na tumakas ang suspect.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang masusing pagsisiyasat sa kaso at pagtugis sa suspect.
- Latest
- Trending