Manila, Philippines - Pinangunahan ni Quezon City Acting Mayor Joy Belmonte ang turn over ceremony para sa unang batch ng housing units sa Bistekville 2, isa sa housing project ng lokal na pamahalaan para mabigyang katuparan ang pangarap ng mga mahihirap na taga-lungsod na magkaroon ng sariling bahay.
Partikular na nabenepisyuhan ng programang ito ang 47 informal settler families ng Brgys. Escopa at Obrero na mayroon na ngayong bahay sa isang housing community Brgy. Kaligayahan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Belmonte na ang city government ay nagpatupad ng isang holistic program upang maisakatuparan ang Bistekville 2 housing project na isang tunay at buhay na buhay na komunidad.
Kasama sa programa ang paglalaan ng sapat na linya ng tubig at kuryente, livelihood projects at scholarship grants sa mga anak ng mga benepisyaryo ng pabahay.
Hinikayat din ni Belmonte ang mga benepisyaryo na e-promote ang urban farming sa kanilang mga paligid upang makapagtanim ng mga gulay na dito na nila kukunin at hindi na bibilhin pa.