Mag-utol na 'Akyat-bahay' arestado
Manila, Philippines - Natimbog na ng mga operatiba ng Quezon City Police ang magkapatid na miyembro ng ‘Akyat Bahay gang’ na nanloob sa ilang mga tanggapan sa Camp Aguinaldo at Camp Crame sa lungsod, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay Supt. Ramon Pranada, hepe ng Cubao Police Station, ang magkapatid na suspect ay kinilalang sina Ontong at JY Molina, mga residente sa lungsod.
Ang dalawa ang itinuturong responsable sa panloloob sa tanggapan ng isang Supt. Agustin na hepe ng service support group sa Camp Crame, na nakuhanan nila ng baril at laptop.
Sangkot din ang mga suspect sa mga serye ng panloloob sa mga kabahayan sa bahagi ng Cubao.
Inaalam pa ng opisyal kung ang magkapatid din ang sangkot sa panloloob sa quarters at sasakyan ng isang Col. Nelson Chedrome sa Camp Aguinaldo.
Ayon sa ulat, unang naaresto ng mga operatiba si Ontong ganap na alas-11 ng umaga sa kanilang bahay sa Murphy, Cubao, habang si JY ay alas-2 ng hapon. Nakapiit ngayon ang suspect sa PS7 habang hinihintay pa ang mga complainant nito para sa pagsasampa ng kaso.
- Latest
- Trending