Manila, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang karpintero matapos barilin ng isa sa dalawang holdaper na nangholdap sa hardware na binibilhan naman ng una sa Caloocan City kamakalawa.
Inoobserbahan sa Manila Central University Hospital sanhi ng tama ng bala sa kaliwang tenga si Mateo Sandel, 45, ng Don Benito St., ng nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na report, dakong alas-3:45 ng hapon habang bumibili ng mga materyales ang biktima sa Bebot Hardware sa C-3 Road ng nabanggit na lungsod nang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklong hindi na nakuha ang plaka.
Tinutukan ng baril ng mga suspek ang may-ari na si Laurence Yu bago kinuha ang cellphone at P15,000 ng huli.
Pinadadapa ng mga suspek si Sandel subalit nang tumanggi ay agad na pinutukan ng isa sa mga suspek bago nagsitakas sakay ng motorsiklo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.