Lalaking umakyat sa billboard, lasog nang mahulog
MANILA, Philippines - Isang hindi nakikilalang lalaki ang nasawi makaraang madulas habang nakatayo sa tinatayang 100-talampakang taas ng billboard sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 1, ang biktima ay nasa pagitan ng edad 30-45, may taas na 5 talampakan, kayumanggi at maikli ang buhok.
Siya ay nalagutan ng hininga sa East Avenue Medical Center matapos ang halos limang oras na gamutan makaraang mahulog sa itaas ng isang billboard sa may Cloverleaf market sa Edsa-Balintawak, Brgy. Balingasa.
Nangyari ang insidente ganap na alas-11 ng gabi makaraang makita ang biktima na nakatayo sa tuktok ng billboard sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, tinangka pang iligtas ng ilang rescuer ang biktima, pero nagpatuloy ito sa pag-akyat hanggang sa tuktok.
Nagpasya lamang na bumaba ang biktima nang bumuhos ang ulan. Pero habang pababa ay nadulas ito, hanggang sa tuluyang bumagsak.
Bago ito, hiniling pa umano ng biktima na gusto niyang makita ang kanyang misis, dalawang anak at isang alyas Rolan na kanyang kapitbahay.
- Latest
- Trending