MANILA, Philippines - Nanindigan ang Manila City Hall Public Assistance (CHAPA) na shootout at hindi rubout ang nangyari kamakalawa sa Baseco Compound na ikinasawi ng apat na holdaper sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Sr. Insp. Rolando Lorenzo, Jr., hepe ng CHAPA, katanghalian tapat nangyari ang barilan kung saan maraming residente ang nakakita nang maunang nagpaputok ang isa sa apat na suspect na napatay.
Sinabi ni Lorenzo na handa naman silang sumailalim sa anumang imbestigasyon kung kinakailangan.
Giit nito, nakababahala umano ang report na pagsapit ng dilim ay wala nang taong maaaring maglakad o gumala sa lugar dahil sa takot na mapatay ng grupo ng mga nasawing suspect. Sinasabing bigla na lamang umanong binabaril ng mga suspect sa ulo ang mga taong makikitang naglalakad o nakatambay sa lugar.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naglalakad ng mga may sukbit na baril sa baywang ang mga suspect na nagdudulot ng takot sa mga residente dito.
Matatandaang dead-on-the-spot sina William Olivari, 38; Henry Ursual, 27, at dalawang hindi pa nakikilala nang makipagbarilan dakong alas-11 ng tanghali sa Aplaya, Baseco Compound.
Binigyan-diin ni Lorenzo na hindi niya inakala na magkakaroon ng shootout dahil nais lamang nilang respondehan ang reklamo ng ilang residente hinggil sa patuloy na snatching, holdup at salvaging sa lugar. Nakuhanan ang mga nasawi ng isang 380 pistol, isang caliber .38, dalawang magnum .38 at isang granada.