20 bahay, 4 classroom tupok sa sunog
MANILA, Philippines - May 20 bahay at apat na silid aralan sa isang pampublikong paaralan ang naabo matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Brgy. Apolonio Samson, lungsod Quezon kamakalawa.
Nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Evelyn Lagunsad sa #25 Sampaguita St., Cenial Compound, Brgy. Apolonio Samson ganap na alas-5:15 ng hapon.
Sinabi ng ilang residente, bago ang sunog, isang malakas na pagsabog ang narinig mula sa naturang bahay na hinihinalang mula sa LPG sa kusina ng pamilya.
Sugatan sa insidente sina Francisco Lagunsad at Natividad Bunane na nagtamo ng third degree burns matapos madilaan ng apoy ang kanilang katawan.
Damay din sa sunog ang katabing paaralan na Apolonio Samson Elementary School, kung saan apat na classroom at library nito na nasa ikalawang palapag ang natupok ng apoy. Dahil dito, sinuspinde na ng pamunuan ng paaralan ang klase kahapon.
Ganap na alas-7 ng gabi nang tuluyang ideklarang fire-out ang naturang sunog at tinatayang aabot sa P3 milyong halaga ng mga ari-arian ang napinsala dito.
- Latest
- Trending