Annabelle Rama, ipinaaaresto ng korte
MANILA, Philippines - Ipinag-utos ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang pag-aresto sa talent manager na si Annabelle Rama kaugnay sa 14 counts ng libel case na isinampa ng aktres na si Nadia Montenegro.
Kaugnay nito, kinansela rin ni QCRTC branch 92 Judge Eluterio Bathan na makapagpiyansa si Rama ng halagang P140,000 dahil sa pahayag ng abogado nitong si Atty. Derick Delegencia na hindi makakadalo ang kliyente sa itinakdang petsa ng korte para sa arraignment sa kaso.
Nauna nang ibinasura ng korte ang motion for reconsideration na inihain ng abogado ni Rama dahil nakasaad aniya sa ruling ng korte na kinakailangang dumalo ang akusado sa nasabing arraignment.
Kahapon ng alas-8:30 ng umaga ay hindi dumalo si Rama ng takdang arraignment sa kaso.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Marie Glen Abraham, abogado ni Montenegro na sa ilalim anya ng court ruling, obligado ang isang akusado na dumalo sa arraignment maliban kung ito ay may sakit at maaari lang itong makapagpiyansa sa korte oras na madakip na ng mga awtoridad.
- Latest
- Trending