MANILA, Philippines - Tiniyak ng Mayor’s Complaint Action Team (MCAT) at City Hall Public Assistance na hindi na maibabalik ang bentahan ng mga pirated DVD at CD sa Maynila partikular sa Quiapo.
Ang paniniyak ay ginawa nina MCAT chief Ret. Col. Franklin Gacutan at CHAPA chief, Sr. Insp. Rolando Lorenzo bunsod na rin ng kanilang isinagawang operasyon laban sa mga piniratang DVD at CD sa Hidalgo at Barbosa sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay Gacutan, marami na silang natatanggap na reklamo hinggil sa patuloy na operasyon ng mga vendor ng DVD bagama’t inutos na ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagbabawal sa bentahan nito.
Suportado ni Lim ang kampanya ng Optical Media Board na linisin ang Maynila mula sa bentahan ng piniratang DVD at CD.
Nabatid kay Gacutan na front ng mga vendor ang pagbebenta ng mga damit na una nang ipinangako ng mga vendor na kanilang ipapalit na ibebenta sa mga DVD.
Ayon naman kay Lorenzo, ibang sistema ang ginawa ng mga vendor kung saan isang catalogue ang ipinakikita sa mga mamimili kung saan doon pipili ang customer at kukunin sa kanilang bodega upang hindi pansinin.
Giit ng dalawang opisyal, hindi naman nila titigilan ang operasyon at monitoring dahil mahigpit ang kampanya dito ng city government.