SUV bumaliktad: 1 patay, 7 sugatan
MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na lalaki ang patay habang may pito pa ang sugatan nang tumaob ang sinasakyan nilang sports utility vehicle (SUV) matapos na mawalan ng kontrol saka tumama sa isang poste ng kuryente sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ni PO3 Ben Tilao ng Traffic Sector 1, agad na nasawi si Gerald Balberan, ng No. 16 Highway Hills, Marikina City matapos maipit at tamaan ang kanyang ulo ng salamin ng Mitsubishi Montero (NSO-553) na kanilang sinasakyan.
Nakilala naman ang mga sugatan na sina Angelo Delfin, 17; Patrick Mandinado, 18; Julio Gabriel Sanclaria, 17; Magiting Clapuno, 16; Melanio Pagasar; 17; Lemmuel John Lajung, 22 at Michael Lahug, 20.
Ang mga ito ay pawang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tinamong mga pasa, at galos sa katawan.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Araneta Avenue kanto ng Retiro St. Brgy Talayan sa lungsod pasado alas-3 ng madaling-araw.
Sinasabing sakay ang mga biktima ng nasabing SUV na minamaneho naman ng isang Xerxes Sapalo, 36, patungong Maynila nang biglang pumutok ang gulong sa kanang likuran nito.
Ayon kay Sapalo, negosyante, dadalhin umano niya si Balberan at ang pasahero na karamihan ay kabataan sa Caloocan City kung saan sasali ang mga ito sa kompetisyon ng DOTA game tournament.
Habang tinatahak ang nasabing lugar ay nagkaroon ng aberya dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela si Sapalo at binangga ang poste ng Meralco saka tumagilid ito pakanan at bumaliktad. Si Balberan na natutulog sa unahan ng sasakyan ay naipit na ikinamatay nito.
Sa pahayag ni Sapalo, minabuti umano niya na banggain ang poste kaysa mahulog umano ang sasakyan sa creek. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest
- Trending