Obrero hulog mula 4th floor, lasog

Manila, Philippines -  Patay ang isang obrero makaraang mahulog sa ika-apat na palapag na kanyang ginagawaang gusali sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Jose Canuday Jr., 25, matapos na magtamo ng labis na pinsala sa ulo at ka­tawan. Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO3 Loreto Tigno, nangyari ang insidente sa may construction site sa loob ng Tandang Sora National High School ganap na alas-3:15 ng hapon.

Diumano, nagkukumpuni ang biktima kasama ang isang Diosdado Lazarte ng rooftop sa ika-apat na palapag ng nasabing paaralan nang aksidenteng madulas ang una.

Sa pagdulas ng biktima ay biglang bumulusok ito paibaba sa semento sanhi upang makaranas ng matin­ding pagkabagok na siyang ikinamatay nito.

Patuloy ang imbestigas­yon ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments