Obrero hulog mula 4th floor, lasog
Manila, Philippines - Patay ang isang obrero makaraang mahulog sa ika-apat na palapag na kanyang ginagawaang gusali sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Jose Canuday Jr., 25, matapos na magtamo ng labis na pinsala sa ulo at katawan. Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO3 Loreto Tigno, nangyari ang insidente sa may construction site sa loob ng Tandang Sora National High School ganap na alas-3:15 ng hapon.
Diumano, nagkukumpuni ang biktima kasama ang isang Diosdado Lazarte ng rooftop sa ika-apat na palapag ng nasabing paaralan nang aksidenteng madulas ang una.
Sa pagdulas ng biktima ay biglang bumulusok ito paibaba sa semento sanhi upang makaranas ng matinding pagkabagok na siyang ikinamatay nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending