Manila, Philippines - Nagtapyas muli sa presyo ng kanilang produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa sa patuloy pa rin umanong pagbagsak ng presyo ng krudo sa internasyunal na pamilihan.
Epektibo ngayong alas-12:01 ng madaling-araw, tatapyasan ng Pilipinas Shell, Unioil at Flying V ng P1.50 ang presyo ng kada litro ng diesel, unleaded at premium gasoline, habang P2 naman kada litro sa regular gasoline at kerosene.
Ganito rin ang halaga ng ipatutupad na rollback ng FilOil na magsisimula naman alas-9:00 ng umaga ngayon.
Nag-ugat ang rollback makaraang unang ihayag ng Department of Energy (DOE) ang pagbagsak sa presyo ng krudo sa internasyunal na pamilihan.
Sinabi ni DoE Undersecretary Jay Layug na bumaba ng hanggang $6 na dolyar kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na katumbas ng P2 kada litro ng gasolina at P1.50 naman sa diesel.