Manila, Philippines - Nagharap na kahapon ang mga biktima at dalawang pulis ng Manila Police District (MPD) kasama ang isang barangay executive officer na nanloob sa isang pamilya sa Sta. Ana, Manila kung saan aabot sa halos P3 milyon halaga ng alahas ang tinangay.
Positibong itinuro sa harap ni Manila Mayor Alfredo Lim ng mag-asawang Carlo Mark, 36; at Shental Bagui, 34, ang mga suspect na nakilalang sina PO3 Morris Malindog, PO2 Robert Cruz, kapwa nakatalaga sa Manila Police District Station 6 at barangay executive officer na si Regente Osalla na nanloob sa kanilang bahay.
Inatasan ni Lim si MPD Director, Chief Supt. Alex Gutierrez na sampahan ng mga kakulang kaso ang tatlo na kinabibilangan ng robbery/hold-up in an inhabited place at violation of RA 7610 o anti-child abuse law, bukod pa sa pagsasagawa ng summary dismissal proceedings.
“Ang pulis, binigyan ng baril, tsapa at uniporme, takbuhan ng mamamayan para sa proteksyon at siyang tagapangalaga ng katahimikan, tapos siya ang lalabag sa batas?” ani Lim.
Samantala, ibinunyag naman ni Carlo na si Osalla ang unang pumasok sa loob ng bahay na sinundan naman ni Morris at humabol sa mga bata na tumakbo paakyat ng kuwarto.
Matatadaang naganap ang insidente noong May 30, dakong alas-8:30 ng gabi sa bahay ng mga Bagui sa Paco Roman St. Sta. Ana, Maynila.