2 salvage victim itinapon sa Maynila
MANILA, Philippines – Dalawang lalaki na hinihinalang kapwa biktima ng salvage ang itinapon ng mga hindi pa nakikilalang mga suspect sa Baseco Compound, Port Area, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, isa sa mga biktima ay nakilala sa pamamagitan ng kanyang pasaporte na si Manap Sapak, 37, tubong Daguma, Bagumbayan, Sultan Kudarat habang ang isa naman ay inilarawan na nasa edad 40-45, may taas na 4’11’’, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at gray na short pants.
Nabatid na nadiskubre ang bangkay ng mga biktima dakong alas-2:15 ng madaling-araw sa Block 9 Extension, Baseco Compound, Port Area, Maynila ni Angel David na residente sa lugar.
Hinihinalang pinatay sa ibang lugar ang mga biktima at itinapon na lamang sa nasabing madilim na lugar.
Nagtamo umano ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima kung saan nakakuha ng dalawang basyo ng M-14 rifle, basyo ng cal.45 at 3 basyo ng cal. 9mm sa lugar na pinagkakitaan sa katawan ng mga ito.
- Latest
- Trending



















