Delivery boy utas sa sekyu
MANILA, Philippines - Utas ang isang delivery boy nang barilin ng nakaalitang security guard sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Jeffrey Mantalaba, 20, stay-in sa Peñarubia St., Binondo.
Pinaghahanap na ang tumakas na suspect na kinilalang si Jerome V. Hernandez, 20, ng Nagcarlan, Laguna, nakatalaga at stay-in sa All Star Building, sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na naawat naman ng isa pang guwardiya na si Mario Bataan. Nagpaawat naman ang dalawa hanggang sa magtungo na sa quarters ang biktima upang matulog.
Subalit, hindi nagtagal ay narinig ang putok ng baril at nang tingnan, nakita ang biktima na duguan ang dibdib at humihingi ng saklolo hanggang sa bumagsak sa kanyang higaan.
Isang testigo ang nagsabing nakita niya ang guwardiyang si Hernandez na hawak pa ang service firearm na ibinaril sa biktima at naghahamon ng laban bago tumakas.
- Latest
- Trending