150 katao, timbog ng SPD
MANILA, Philippines - Aabot sa 150 katao suspect sa iba’t ibang krimen ang nadakip ng Southern Police District (SPD) sa pinaigting na seguridad na ipinatupad kaugnay ng pasukan sa mga paaralan kahapon.
Sa ipinadalang ulat ni SPD spokesperson, Chief Insp. Jenny Tecson, kabilang sa naturang numero ang naarestong anim na holdaper ng pampasaherong bus at jeep, limang snatchers, at dalawang lalaki na nahaharap sa warrant of arrest sa kasong homicide at pagnanakaw.
Dinampot naman ng Parañaque City Police ang 12 ‘batang hamog’ na posibleng sangkot sa prostitusyon, walong inaresto sa pag-inom ng alak sa kalsada, anim na rugby boys habang ang iba ay naaresto sa paglabag sa curfew.
Sinabi ni Tecson na sa ilalim ng “Oplan Balik Eskwela” ng pamahalaan, nagpakalat ng tauhan ang SPD sa mga pangunahing paaralan sa kanilang nasasakupang mga lungsod ng Makati, Parañaque, Pasay, Muntinlupa, Las Piñas at munisipalidad ng Pateros habang ang mga mas maliliit na paaralan ay binabantayan naman ng kanilang mga “force multipliers”.
Patuloy naman umano ang kanilang pagbabantay sa mga bisinidad ng mga paaralan laban sa mga kriminal na target na mambiktima sa mga mag-aaral habang pinayuhan ang mga estudyante na maging alisto at huwag basta-basta maglalabas ng mahahalagang gamit tulad ng cellular phone sa kalsada upang hindi maging magnet ng mga kriminal.
- Latest
- Trending