2 pinabulagta ng tandem
MANILA, Philippines - Napaslang ang dalawang kalalakihan matapos ratratin ng riding-in-tandem sa tapat ng barber shop sa Quezon City kamakalawa ng hapon.
Isa sa napatay ay nakilalang si Ramon Caringal, 53, tricycle driver, ng #32 Kasunduan St., Brgy. Commonwealth, Quezon City habang ang isa ay inaalam pa ang pagkakakilanlan na pinaniniwalaang may edad na 25 hanggang 30, 5’0’’ ang taas at nakasuot ng asul at yellow short pants.
Ayon kay SPO1 Elden Lasam ng Quezon City Police District Station 6 sa Batasan, naganap ang krimen dakong alas-3:30 ng hapon sa bisinidad ng Kasunduan St. sa Commonwealth, Quezon City.
Nabatid na nakaupo sa tapat ng barber shop si Caringal nang lapitan at pagbabarilin kung saan nakatakbo pa ito subalit sinundan at muling niratrat.
Tinamaan naman ng ligaw na bala at nasawi rin ang isang lalaki na naglalakad kung saan tumakas ang gunman lulan ng motorsiklo.
- Latest
- Trending