Lalaki nag-amok, ginang inatado

Manila, Philippines -  Kalunus-lunos ang sinapit ng isang ginang makaraang tadtarin ng saksak ng isang lalaki na nagwala sa kanilang lugar sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.

Hindi na naisalba pa ng mga manggagamot ng Ospital ng Muntinlupa si Belinda Rapal, 46, ng Block 11 Lot 16 On Site, Brgy. Buli, ng naturang lungsod, dahil sa dami ng saksak sa katawan.

Agad namang naaresto ng mga rumespon­deng barangay tanod ang suspect na si Leonardo Anular, 26, residente rin ng naturang lugar.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang pananaksak dakong alas-3:10 kamakalawa ng hapon sa tapat ng bahay ng biktima. 

Nagwawala umano sa naturang lugar si Anular nang maispatan ang naturang ginang na hinabol nito at hinalihaw ng saksak. Hindi naman matukoy ng pulisya ang motibo ng pananaksak ni Anular dahil sa tikom ang bibig nito habang isinasailalim sa imbestigasyon sa loob ng Muntinlupa Police headquarters.

Posibleng isailalim din sa psychiatrict test si Anular­.

Show comments