Manila, Philippines - Dalawang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City at Quezon City.
Sa Caloocan, natagpuan kahapon ng umaga ang bangkay ng lalaki na nakahandusay sa riles ng tren at may tama ng bala sa ulo.
Sa report ng Caloocan City Police, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-7:00 ng umaga sa Daang Bakal St., Brgy. 59 ng nasabing lungsod.
Nakitaan ng bala sa ulo ang biktima habang nakahandusay sa riles ng tren.
Samantala, natagpuan naman ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki sa West Fairview, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa Quezon City Police, ang biktima ay tinatayang nasa 30 hanggang 40-anyos, nakasuot ng short pants at damit na checkered at nakalagay sa isang bayong sa may katawan nito ang katagang “akyat bahay ako”.
Ayon sa pulisya, dakong alas-2:11 kahapon ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay sa bahagi ng Dhalia corner Daisy St., West Fairview sa lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng QC police, sinasabi ng ilang nakasaksi na itinapon ang bangkay ng biktima mula sa isang kulay puting L300 van na hindi na naplakahan.