MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagtataka ang city legal officer ng lungsod ng Maynila kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring kumukuha ng sahod ng may 493 empleyado ng Office of the Vice Mayor at ng 38 konsehal mula Abril 21 hanggang Mayo 15, 2012.
Ayon kay city legal officer Atty. Renato dela Cruz, nagpadala na siya ng sulat kay Atty. Luch Gempis, Jr., Secretary City Council noong Mayo 14, 2012, kung saan inaabisuhan nila na kunin ang sahod na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ng mga casual, consultant at researchers ng OVM at 38 konsehal.
Nabatid kay Dela Cruz na hanggang kahapon ay wala pa ring natatanggap na payroll si city treasurer Marissa de Guzman.
Sinabi naman ni chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman na siyam na konsehal pa lamang ang nagsusumite ng listahan ng mga casuals, consultants at researchers, na may kaukulang documentation.
Kabilang na dito sina councilors Niño dela Cruz, Ramon Morales, Josie Siscar, Bobby Lim, Lou Veloso, Joey Uy, Bimbo Quintos XIV, Rod Lacsamana, at Eunice Castro.
Paliwanag ni De Guzman na batay sa report ng CTO, ang P3.8 milyon na sahod ng mga emplyeado ng OVM at mga konsehal ay kailangan na ibalik sa treasury kung walang kukuha.