PNP handang bigyan ng security sina Raymart at Claudine
MANILA, Philippines - Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na bigyan ng police security escort ang celebrity couple na sina Raymart Santiago at Claudine Barretto.
Ito’y matapos ngang katigan ng korte ang inihaing Temporary Protection Order ng mag-asawa laban sa Tulfo brothers kaugnay ng naganap na kontrobersyal na bugbugan sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakalipas na Mayo 6.
Ang insidente ay kinasangkutan ng grupo ng mag-asawang Raymart at Claudine at ng veteran journalist na si Ramon “Mon” Tulfo.
Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Generoso Cerbo, hinihintay lamang nilang maghain ng ‘request’ sa PNP ang mag-asawang Santiago bago ang mga ito bigyan ng police security escort.
Nilinaw naman ni Cerbo na idedetermina muna ng PNP kung gaano katindi ang banta bago sila magbigay ng police security escort na nasa ilalim ng pangangasiwa ng PNP-Police Security and Protection Office (PNP-PSPO).
- Latest
- Trending