Rookie cop utas sa parak
MANILA, Philippines - Utas ang isang bagitong parak makaraang makipagbarilan sa kapwa nito pulis nang ito ay sitahin kamakalawa ng gabi sa EDSA, Mandaluyong City.
Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Camp Crame Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng baril sa katawan ay nakilalang si PO1 Leo Antiporda, 31, may-asawa, nakatalaga sa Regional Police Holding Administration Unit (RPHAU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay Senior Supt. Armando Bolalin, hepe ng Mandaluyong City police, ang insidente ay naganap dakong alas-8:05 ng gabi sa north-bound lane ng EDSA sa tapat ng isang mall sa lungsod.
Nabatid na nagsasagawa umano ng surveillance operation ang mga tauhan ng Regional Intelligence Unit-National Capital Region (RIU-NCR) na pinamumunuan ni Chief Insp. Cesar Calmada hinggil sa reklamong kanilang natanggap na dalawa umanong PNP personnel ang nagsisilbing protektor ng mga mandurukot at holdaper sa naturang lugar.
Habang nasa isang tagong lugar ang grupo ni Calmada nang maispatan nila si PO1 Antiporda kasama ang isa pang pulis na sakay ng isang motorsiklo na may kausap at tila may inabot umanong pera sa kanya ang isang hinihinalang holdaper sa lugar.
Nilapitan umano ng grupo ni Calmada ang dalawang pulis pero agad umanong bumunot ng baril ang biktima at nagpaputok ng kanyang service firearm at mabilis na pinaharurot ang sinasakyang motorsiklo.
Hinabol sila at gumanti ng putok ang iba pang tauhan ni Calmada na nagresulta ng pagkamatay ng biktima habang nakatakas ang kasama nito.
- Latest
- Trending