MANILA, Philippines - Inaalam ngayon ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa isang hindi pa nakikilalang lalaki na pinagbabaril sa ibabaw ng isang overpass, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Inisyal na nakilala ang biktima sa alyas na “Joker”, nakasuot ng itim na kamiseta, shorts at tsinelas.
Biniberipika naman ng pulisya ang pagkatao ng biktima upang mabatid kung isa rin itong holdaper makaraang marekober sa posesyon nito ang tatlong cellular phones, dalawang charger at isang rolyo ng electrical tape.
Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, natagpuan ang bangkay pasado alas-11 ng gabi sa ibabaw ng flyover sa may Brgy. Pinagsama kung saan madalas na maganap ang mga holdapan.
Ayon sa isang saksi na tumangging magpakilala, nakita nito ang biktima na bumaba ng isang pampasaherong jeep sa may C-5 Road at umakyat sa flyover saka nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.
Narekober ng pulisya ang 12 basyo ng bala buhat sa kalibre .9mm pistol tanda na sobrang galit ang salarin na pumaslang dito.
Habang hawak naman ang mga ebidensya, biglang nag-ring ang isa sa cellphone na sinagot ng isang pulis.
Nagpakilala ang caller na isang textmate lamang ng biktima na kinilala nito sa alyas Joker.
May teorya rin ang pulisya na maaaring kasamahang holdaper din ng biktima ang pumaslang dito makaraan na magkaroon ng onsehan.