Natakot sa 'shoot-to-kill order', pugante napilitang sumuko
MANILA, Philippines - Dahil sa pangambang maipasailalim sa ‘shoot to kill order’ sumuko sa mga awtoridad ang isang pugante, na kabilang sa sampung bilanggo na tumakas sa Mandaluyong City detention cell.
Ayon sa sumukong si Mark Agujo, 27, may kasong robbery at residente ng Estrada Drive, Mandaluyong City, nagpasya siyang sumuko na lamang dahil hindi rin naman umano siya masaya at malaya sa labas.
Palagi rin umano siyang natatakot na may makakilala sa kanya at i-report siya sa pulis.
“Baka may makakilala at i-report ako sa pulis, baka ma-shoot-to-kill pa ako kaya sumuko na lang po ako,” pahayag pa ni Agujo.
Isa si Agujo sa 10 bilanggo na nakatakas sa naganap na jailbreak sa Mandaluyong City detention cell noong Mayo 14.
Panglima na si Agujo sa mga puganteng sumuko sa mga awtoridad matapos ang jailbreak, kasama sina Valentino Gianan, 29, na may kasong vagrancy; Henry Andrade, 19, may kasong paglabag sa PD 1619 (sniffing of volatile substance) o pagsinghot ng rugby; Gabriel Gonzales at Mark Louie Burilla y Cabila, 24, may kasong robbery.
- Latest
- Trending