MANILA, Philippines – Anim na miyembro ng traffic enforcement unit ng Taytay Rizal PNP ang sinibak sa kanilang tungkulin dahil sa umano’y pangingikil mula sa mga driver ng pampasaherong jeepney at FX Taxi dito. Kinilala ang mga pulis na sina Chief Inspector Ruel C. Lacanienta, hepe ng Tikling PNP traffic sector; PO2 Harold Orfanel; PO1 Ron Miranda; PO1 Daniel Igtiven; PO2 Rommel Reodique; PO1 Reylan Gumapad; at PO1 Cergie Gonzales. Sila ay agad na inilipat sa labas ng Region 4 dahil sa nasabing asunto.
Aksyon ito ng kalihim, base sa rekomendasyon ni Senior Superintendent Francisco Peñaflor, Senior Police Assistant ng DILG, na nagpadala ng tropa mula PNP office of internal security para mag-imbestiga at idokumento ang ginagawang iligal na aktibidad ng Taytay PNP traffic enforcers sa Tikling.
Bukod sa buwanang P8,000 “kotong” o protection money, nagbibigay pa umano ang asosasyon ng drivers sa mga pulis ng P10 bawat dadaan sa lugar ng Tikling, ang itinuturing na busy na kalsada patungong Antipolo City at Binangonan. Ang araw-araw na P10 kotong sa mga drivers ay ginagawa ng itinalaga nilang PNP-hired “barkers” na siyang nagre-remit sa Taytay PNP traffic sector office araw-araw.
Nauna rito, siyam na traffic policemen mula Quezon City at isa mula Capas, Tarlac ang sinibak ni Robredo dahil sa pangongotong naman sa magkahiwalay na lugar mula sa kanyang pamangkin at sa Region 5 Palarong Pambansa buses kung saan ang isa sa kanyang anak ay delegado.