MANILA, Philippines - Karumal-dumal ang sinapit ng isang lalaki na pinaniniwalaang ex-convict matapos patayin at isilid sa isang drum na iniwan sa kahabaan ng R-10 sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Nakabalot ng packaging tape ang ulo habang nakatali naman ang mga kamay ng nylon cord ang biktima na inilarawan na nasa edad na 40 hanggang 45, may taas na 5’3’’, maiksi ang buhok, nakasuot ng kulay asul na pantalon at mayroong tattoo sa katawan na imahe ni “Jesus”, tattoo ng “Dragon” sa kaliwang kamay, imahe ng lalaki na may pangalan na “Nathaniel” at “Crustal” sa kaliwang pige, at iba-ibang imahe at marka ng “Commando” sa likurang bahagi ng katawan.
Base sa report, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang drum kung saan naroon ang biktima sa Bongavilla St., Road 10, Tondo, Maynila.
Nabatid na natagpuan ni Kagawad Wilbor Huit, 35, ng Brgy. 39 Zone, District 1, ang biktima sa loob ng drum kung kaya agad nitong ipinagbigay-alam sa pulisya.
Nang buksan ang drum, dito na nakita ang biktima na may palatandaan na pinahirapan dahil sa marka sa leeg na pinaniniwalaang binigti muna bago isinilid sa drum. Mayroon din itong mga galos at sugat sa kaliwang braso at mga binti.
Dinala naman ang katawan ng biktima sa Cruz Funeral Parlor para sa awtopsiya at safekeeping.