MMDA maghihigpit kontra jaywalking
MANILA, Philippines - Babala sa mga mahilig tumawid sa bawal.
Mahigpit nang magbabantay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga pasaway na jaywalkers bilang paghahanda na rin sa darating na pasukan sa Hunyo 4.
Sinabi ni Director Noemi Recio, hepe ng Traffic and Transport Management Office ng MMDA, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Education (Dep Ed) upang alamin ang mga lugar na kinakailangan magtalaga ng sapat na bilang ng mga traffic enforcers na manghuhuli ng mga jaywalkers.
Isa umano sa dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang mga pasaway na tumatawid sa kalsada kahit na ipinagbabawal. Aminado rin ito na kahit na napakarami ng itinayo nilang footbridges, marami pa rin ang mas ginugusto na isapalaran ang kanilang buhay sa pagtawid sa kalsada.
Partikular na babantayan ng MMDA ang University belt areas sa C.M. Recto sa Maynila kung saan matatagpuan ang mga unibersidad at kolehiyo.
Binalaan ng MMDA maging ang mga estudyante na iwasang tumawid sa mga bawal na tawirang lansangan upang makaiwas sa multang P150 at paglilinis sa komunidad na katumbas ng parusa sa ilalim ng umiiral na batas.
Una nang isinisisi ng MMDA sa lokal na pamahalaan ang kawalan ng aksyon kontra sa mga pasaway na jaywalkers dahil sa ang mga ito umano ay may kanya-kanyang ordinansa.
- Latest
- Trending