Pulis-Maynila itinumba ng tandem
MANILA, Philippines - May indikasyong nanlaban sa riding-in-tandem ang 30-anyos na pulis-Maynila bago pagbabarilin at mapatay kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Balingkit at Leveriza Street sa Malate, Maynila.
Nadiskubreng duguang nakabulagta sa kalye ang biktimang si PO1 Antonio dela Cruz ng MPD- District Headquarters Support Unit at residente sa Navotas City.
Ayon kay PO3 Alonzo Layugan ng MPD-Homicide Section, nahirapan pa silang makilala ang biktima dahil walang nakuhang identification card, service firearm o anumang pagkilanlan at maging ang mga basyo ng bala sa crime scene, maliban sa cellphone at motorsiklo (UQ 1359) na narekober sa tabi nito.
Lumilitaw na may hinihintay na kaibigan ang biktima habang nakaparada ang motorsiklo nito sa tapat ng bahay sa panulukan ng #2186-Balingkit Street at Leveriza Street nang lapitan at pagbabarilin.
Nabatid na bagsakan ng iligal na droga ang nasabing lugar subalit hindi pa naman maiuugnay kung may kinalaman ang krimen sa bawal na droga.
Sa pinakahuling text messages na nakita sa cellphone ng biktima, isang babae na nagngangalang Aileen, ang nagsasabing bumalik na siya sa nasabing lugar kung saan naroon ang nasabing texter.
Sa pahayag naman ni MPD-Homicide chief P/Senior Insp. Joey de Ocampo, hindi pa matiyak kung nai-download na mula sa DHSU ang nasabing biktima.
“Aalamin ko pa kung nakasama siya (biktima) sa download, kasi nung isang linggo ang alam ko lahat ng may ranggong PO1 sa DHSU ida-download papunta sa ibang unit,” ani De Ocampo.
Bagama’t may pagkakakilanlan sa suspek ay pansamantalang hindi maaring arestuhin dahil kinokompleto pa ang basehan at hindi rin maaring ibunyag sa media ang detalye upang hindi masunog ang operasyon.
- Latest
- Trending