4 timbog sa pamemeke ng tseke, IDs
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Manila City Hall Detachment at City Hall Public Assistance (CHAPA) ang apat na katao na responsable sa pamemeke ng mga bank checks at iba’t ibang uri ng identification card.
Kahapon ay iniharap sa mamamahayag ni Manila Mayor Alfredo Lim ang mga dinakip na sina Reynaldo Dasilio, 48; Beltran Mondoy, 37; Ronald Flores, 28; at isang menor-de-edad na nagsisilbing fixer.
Ayon kay Lim, ginagawa ng apat ang pamemeke sa pamamagitan ng computer kung saan ini-scan ang mga ID tulad ng mga voter’s ID, postal at driver’s license habang pini-print naman ang mga tseke ng Banco de Oro at Bank of the Philippines Islands (BPI).
Sinabi naman ni Sr. Insp. Rolando Lorenzo, Jr., hepe ng city hall detachment, sinalakay ang puwesto ng mga suspect sa Cartimar Bldg. sa Recto Ave. matapos na makatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y pamemeke ng mga dokumento.
Lumilitaw na isang taon na ang operasyon ng mga suspect kung saan kumikita ang mga ito ng P1,500 bawat isa.
Kadalasan umanong mga customer ng mga suspect ang mga estudyante, negosyante at job applicants.
- Latest
- Trending