Ginang utas, 3 pa sugatan sa ambush ng tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang habang sugatan ang asawa nito at dalawang kasakay sa kotse matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek sakay ng motorsiklo kung saan kritikal ang isa pa na tinamaan ng ligaw na bala sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa Fatima Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Marie Christine Gamboa, 34.

Nadaplisan naman ng bala sa katawan ang asawa ng nasawi na si March Gamboa, 34 at ang abogadong si Emerson Barrientos at si Reynate Carobio.

Inoobserbahan naman sa Valenzuela General Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo si Danton Mansera,na tinamaan ng ligaw na bala.

Sa inisyal na report ng Valenzuela City Police, nabatid na alas-9:00 ng uma­ga, minamaneho ni March ang kotseng Subaru at nasa passenger side ang asawa habang nasa likod ang tatlo pang kasama at pagsapit sa Villa Liwayway, Brgy. Maysan ng nabanggit na lungsod ay pinagbabaril ng mga suspek ang kinauupuan ng ginang.

Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek sakay ng motosiklong hindi na nakuha ang plaka.

Nabatid na galing sa korte­ sina Gamboa matapos na magsampa ng kasong estafa at ang kinuha nilang abogado ay si Barrientos.

Nagsasagawa na nang imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa nasabing insi­dente.

Show comments